Monday, November 9, 2009

Ang Pangahas na Si Pepe Rodriguez

by Dustin Edward D. Celestino

I. Ang Tiktik

Mamamatay na yata ako pero wala akong ibang maisip kung hindi, “Puta, ang supot ng last words ko.” Ang huli ko kasing sinabi, “tanga.” Kung sinuman ang bumaril sa akin, tanga ‘yun. Pero hindi ito ang bagay na dapat pinag-iisipan ko. Hindi na mahalaga iyon. Kapag lumabas na ang katotohanan, kapag alam na ng lahat ang nangyari, malamang patay na’ko. Iba na lang ang pag-iisipan ko.

Gusto ko sanang ipaalam sa dalawang “medical professional” kung anumang misteryo ang maaaring bumabalot sa aking pagkabaril. Kaya lang kapag nagsasalita ako, walang boses na lumalabas. Mga tunog lang na maihahambing sa tunog ng pagmumumog matapos mag-toothbrush. Siguro umakyat na ang dugo mula sa aking katawan papunta sa lalamunan. Tanging hiling ko lang, sana tumigil na ‘tong dalawang “medical professional” sa kasisigaw.

Buddy, ang pulso! Humihina ang pulso!

Tangina, tingnan mo ‘yun! ‘Yung ganiyang fluid galing sa atay yan!
Ang mga taong nabaril, dapat relaxed para ‘wag tumakbo ang pulso at maubos ang dugo. Pero paano ka naman mag-rerelax kung may dalawang bobong pinag-uusapan ang “fluid” ng atay mo?

Totoo pala ‘yung sinasabi ng mga taong may “near-death experience.” Ang mga alaala, sasayaw at mag cha-chacha sa isip at memorya. Pero hindi ang mga alaala nung kabataan. Kalokohan ‘yun. Ang isip naka-focus, nakakapit, nananalig sa kung anumang makabuluhang imahen na maaaring maging simbolo ng buhay. Kakapit ang ulirat sa mga nananatiling hibla ng naghihingalong hininga. Nakakapit ako sa aking atay, ang atay kong maaaring pinadilaw na’t pinatigas ng daan-daang bote ng alak. Daan-daang lagok ng alak na marahil ang huli’y ‘yung nilagok ko kanina – mga latak mula sa beer na binili kagabi. Nakakapit ako sa isang pangalan, Pepe Rodriguez. Kung anumang misteryo ang maaaring bumabalot sa aking pagkakabaril, may kinalaman itong lahat kay Pepe Rodriguez.

Kagabi, pakiramdam ko’y gumapang ang buwan papalapit sa mundo. Mainit ang hangin noon. Malambot at mabango ang katawan ni Cara. Sa lugar na iyon, kulob sa loob ng bahay, nakatago sa kubli ng gabi habang nakasilip ang buwan sa bintana na parang mata ni Bathala, naramdaman ko ang katahimikan. Pakiramdam ko, malinis ako. At alam ko nang mga sandaling iyon na matagal akong magiging maligaya hangga’t hindi ko naaalala ang dati kong trabaho.

Magdamag kaming nagpagulong-gulong sa kama at naligo sa halik at haplos ng isa’t isa. Parang isang mahabang eksena mula sa isang pelikula kung saan ang mga gumanap na artista ay nagkakantutan sa totoong buhay. Pagdating ng umaga, kumain kami ng almusal. Pandesal. Butter. Kasi ‘yun lang ang meron. Habang kumakain kami, nagsusulat si Cara sa isang notebook na pink. Medyo kinabahan ako kasi pakiramdam ko sinusulat niya ang pros and cons ng table manners ko. Titingin siya sa akin tapos magsusulat sa notebook. Tinanong ko siya tungkol dito. Ang sabi ni Cara, “Wala ito. Kasama sa trabaho ko. Nagsusulat ako ng kwento.”

Pagkatapos mag almusal, bumalik kami sa kama at itinuloy ang romansa. Mga alas dose, bumangon siya at sinabing kailangan na niyang maligo. Ininom ko ang mga natitirang latak mula sa mga bote ng beer na ininom namin kagabi. ‘Yun na siguro ang mga huling patak ng alak na dadapo sa dila, panlasa, lalamunan, at alaala ko. “Kailangan ko nang umalis. Late na ako. Baka may mga nag-aantay nang client.” Hindi pa rin ako sigurado kung ano ang trabaho ni Cara. Hindi kami nag-uusap tungkol sa trabaho. Naisip ko, mas magandang ganun. Ayokong pag-usapan ang mga trabaho.

Nagbihis si Cara. Sleeveless at maikling palda. Umikot-ikot at nagmodel-model. “Okey ba?” tanong niya. “Oo. Maganda. Dito ka na lang. Tumawag ka na lang sa boss mo, sabihin mo may sakit ka,” sabi ko. Sinabi niya na hindi raw puwede kasi bago pa lang siya sa trabaho. Sinabi niya rin na puwede akong manatili sa apartment niya basta hindi ko pakikialamanan ang mga gamit niya. “Bakit ko naman pakikialamanan ang mga gamit mo?” tanong ko. Biro lang daw. Tumawa na lang ako kahit alam kong hindi siya nagbibiro nung sinabi niya iyon. Wala naman akong gagawin kaya humilata na lang ako. Dalawang linggo na akong walang trabaho. Hindi naman ako natanggal o nag-resign. Basta tumigil na lang ako.

Buddy, tinamaan din ‘yung spleen! Pero, bakit may black?

Marrow yan. Tinamaan din yata ‘yung spine.

Oo, alam ko madami akong tama. Kailangan ba talagang ipaalala sa taong namamatay na namamatay siya? Hindi yata tama iyon. Pero, sabi nga ng dalawang “medical professional,” sa spleen at sa spine nga tumagos ang pangalawang bala. Mga importanteng bahagi ng katawan ito. ‘yung spleen ko ang nagsasala at nag-iipon ng dugo ko. Ang spine naman, sa tagalog ay gulugod o espina, ang highway ng nervous system. Sa loob noon ay may marrow, sa tagalog, ubod. Ito ‘yung black na sinasabi nila. Bakit ko alam ‘to eh hindi naman ako doktor? Kasi matagal din akong umali-aligid sa ospital. Madami akong natutunan mula sa mga “medical professional” tulad ng dalawang nagsisisigaw ngayon. Ang nakakatawa rito, noong sinilip nila ‘yung tama ng bala malapit sa gulugod ko, akala ko makikita nila kulay luntian. ‘Yun daw kasi ang kulay ng ubod ng mga gahaman sa pera – mukhang halaman ang ubod.

Nahihilo ako. Pakiramdam ko’y isang lasing na hinulog sa karagatan ng gin. Pilit na lumalangoy. Kumakapit sa buhay. Nananalig sa mga simbolo at imahen ng mga nananatiling hibla ng naghihingalong hininga. Luntian man ang ubod at dilaw man ang atay, kakapit ako rito, sa aking natitirang pagkatao. At kung yumaon man ngayong gabi, mayroon pa ring nangyaring maganda: mananatili akong malinis sa alaala ni Cara, at hindi niya malalaman ang aking mga kasalanan. Hindi na darating ang araw na kailangan ko ipagtapat sa kaniya na dati akong espiya, o kung tawagi’y tiktik. Hindi parang James Bond. Hindi naman ako nagtrabaho para sa gobyerno. Dati akong pribadong imbestigador. Hindi rin parang si Mike Enriquez. Wala naman akong hinuhuling abusado. Ang ginagawa ko lang, inaalam kung sino’ng nanonorotot at nagtataksil sa nagbabayad sa akin. Mga babae’t lalaki na nagbabayad nang malaki para malaman kung may ibang kinakantot ang mga asawa nila. Madalas meron. Minsan naman, ang kailangan ko lang gawin ay sabihin sa kanila ang hindi nila kayang sabihin sa mga sarili. Kagaya nung isang babaeng asawa ng congressman. Sinabi niya bumili ‘yung asawa niya ng bestidang hindi kasya sa mataba niyang katawan. “Ano sa tingin mo ibig sabihin noon? Pakiramdam ko may ginagawang hindi maganda ang asawa mo,” sabi ko. Natanggap niya kaagad. Siyempre, alam niya na para sa ibang babae ‘yun kasi ang anak nila lalaki. At kung bakla man ‘yun, hindi naman siguro siya ibibili ng isang machong pulitikong ama ng bestida. Bukod doon, pulitiko ang asawa niya at alam naman ng lahat na ang mga pulitiko, tarantado.

Madaming tao ang nagtataksil sa mga kasintahan nila. Kundi man sila ang nagtataksil, nagdududa sila na ang kasintahan ang nagtataksil. Kung meron mang nagtataksil o wala, ang sigurado, may kikitain ako. Hanggang may mga taksil sa mundo, hindi ako mauubusan ng pera. Para akong doktor o mortisyano. Kasi, ang pagtataksil ay tiyak. Hindi nawawala sa uso. Parang sipon o ubo. Parang kamatayan. Lalago at magiging matagumpay ang negosyo ko. Pinaghandaan ko na nga ito eh. Noong nakaraang buwan napag-isipan ko na kailangan ko ng junior private investigator. Taga-ayos ng papeles, taga-record ng mga kaso. Nagpalagay ako ng advertisement sa diyaryo. Makalipas ang isang linggo, bumili ako ng diyaryo para makita kung ano ang itsura ng advertisement ko. Ang balita sa front page, murder at suicide.

Ang mga biktima ay sina Moses at Jenny Hontiveros. ‘yung lalaki, si Moses, kliyente ko. May asawa siyang maganda. Bata. Mga beinte anyos lang siguro si Jenny. Si Moses ang nagbabayad ng tuition ni Jenny, mga uniporme, board review classes, at kung anu-ano pang gastos sa kursong nursing. Si Moses pumunta sa opisina ko at sinabing, “Parang medyo distant siya eh. Kapag sinusubukan ko siyang kausapin umiinit ang ulo niya at sinasabing pagod siya sa duty sa ospital at sa mga review classes. Sinasabi niya na kung marunong akong makiramdam, hindi ko siya kukulitin at hahayaang magpahinga. Sinasabi niya lang palagi, ‘Ano? Gusto mong mag-usap, Moses? Ayokong mag-usap. Ang gusto ko, magpahinga.’ Concerned lang naman ako para sa asawa ko.” Walang kinalaman sa pag-uusap ang “concern” ni Moses. Sa palagay ko, ang talagang “concern” niya, ayaw magpakantot ng asawa niya. Ito siguro ang totoong palaging sinasabi ni Jenny: “Ano? Gusto mong mag-sex, Moses? Ayokong mag-sex. Ang gusto ko, magpahinga.” Hindi ka naman magbabayad ng P12,000 para malaman kung bakit ayaw “makipag-usap” ng asawa mo, diba?

Nag-imbestiga ako. Makalipas lang ang ilang araw may naipakita na kong ebidensiya ng kataksilan ng asawa ni Moses. Pinakita ko kay Moses ang video ng asawa niya na isinusubo ang ari ng isang doctor. Nakaluhod siya sa harap nito, hawak ang mahabang buhok para huwag makasagabal sa ginagawang pagsubo. Labas pasok ang ari ng doktor sa bibig ng asawa ni Moses. Hindi ko na sinubukang magpahiwatig ng pakikiramay kay Moses. Ano naman ang puwede mong sabihin sa isang lalaking nakita ang asawa niyang isinusubo ang ari ng ibang lalaki? Wala. Nang makita ni Moses ang ginagawa ng asawa niya sa video, bumigay ang mga tuhod niya’t napaupo siya sa sahig. Umiyak siya. Tahimik nung una, tapos naging hagulgol. Matapos ang ilang minuto, tumayo si Moses, nagpasalamat sa akin, nagpaalam, lumabas ng aking opisina, bumili ng baril, umuwi, binaril ang asawa, at binaril ang sarili. Nakita ko siya sa unang pahina ng diyaryo. ‘yung advertisement ko nasa pang-apat na pahina. Okey naman ‘yung ad. Walang mali sa spelling. Bukas, baka ako naman ang nasa diyaryo.

Sa puso yata, Buddy! Sa puso!

Hindi ko alam kung paano ayusin ‘to. Humingi tayo ng saklolo!

Ayon sa dalawang “medical professional,” ang pangatlong bala ay tumama sa puso ko. Pero, daplis lang siguro, kasi kung sapul na sapul talaga, malamang kanina pa ako patay. Buhay pa naman ako eh, broken hearted nga lang. Gets mo? Kung yumaon man ngayong gabi, mayroon pa ring nangyaring maganda. Hindi na darating ang araw na makikita ko ang kasintahan kong sumusubo ng ari ng ibang lalaki. At hindi pagkakakitaan ninuman ang aking hinagpis. Hindi kagaya ng sinapit ni Moses. Ano kaya ang puwedeng mangyari kung sinabi ko kay Moses na walang ginagawang masama ang asawa niya? Ano kaya kung ang footage na ipinakita ko ay hindi ang pagsubo niya ng ari ng doktor kundi ang pag-aalaga niya sa mga bata’t matatandang may sakit? Siguro mas maganda ang naging kapalaran ng dalawa. Baka nakapagtapos si Jenny. Tapos nakapag-abroad sila. Tapos nagkapamilya. Tapos naging maligaya. Pero wala na lahat ‘yun. Dahil sa isang video.

Moses, patas na tayo. Maganda rin sana ang kapalaran namin ni Cara. Low-profile lang. Simple. Magtatalik kami sa gabi. Sa umaga, papasok kami sa trabaho. Magkikita kami sa bahay pagkatapos. Manonood kami ng mga pirated DVD habang naghahapunan. Tatawa kasi nakakatawa ang palabas. Magsusulat-sulat si Cara sa pink na notebook na lagi niyang dala. Tapos guguluhin ko ang pagsusulat niya. Maghaharutan kami. Magkikilitian. Maglalandian. Tapos magtatalik ulit kami. At hindi sisikat ang araw nang hindi kami magkasama.

Hindi na mangyayari lahat iyon kasi nga nabaril na ako, at ang pagkakabaril ko ay may kinalaman kay Pepe Rodriguez. Kaninang umaga, bago ako mabaril, naiwanan ni Cara ang notebook niyang pink. Naaalala ko pa. Naligo siya. Uminom ako ng latak ng alak. Nagbihis siya, nagmodel-model, humalik sa akin, at sinabing huwag ko pakialamanan ang mga gamit niya.

Naiwan ni Cara ang notebook niya sa kama. Na-intriga ako sa kung anumang mga kuwento ang nakasulat doon kaya’t binasa ko ang ilang pahina habang naglalakad patungo sa pila ng tricycle kung saan puwede kong ibigay kay Cara ang naiwang notebook. Ang ikinagulat ko, hindi mga kuwento ang nakasulat sa notebook. Mga obserbasyon ang nakasulat. Mga record ng imbestigasyon. Meron siyang tini-tiktikan. At sino namn ang tini-tiktikan ni Cara?

Nakasulat sa isang entry: Jan 13 – Umalis na si Pepe sa bar. Isang karaoke bar sa Fairview – Tikyo’s. Namumula ang mukha niya. Mukhang lasing na lasing siya. May kasama siyang magandang babae.

Sa ibang pahina, nakita ko ‘to: Jan 14 – Mag-isang nag-celebrate si Pepe ng birthday. Wala siyang kasama kundi ang aso niyang ang pangalan ay “Prince.” Loner siguro siya. Napansin ko na may scar siya sa kilay. Dahil dito mukha siyang goons. Pero kung hindi dahil dito baka mukha siyang babae kasi ang payat-payat niya. Nakakapagtaka kung paano siyang nakagagawa ng violent crimes, eh mukha naman siyang mabait.

Heto pa: Jan 16 – Nag-ahit si Pepe. Baka ginagawa niya ito para mag-disguise sa mga pulis. Siguro may ginawa na naman siyang masama.

Ito ang pinaka nakapagtataka – una kaming nagkita ni Cara sa Tikyo’s noong January 13 at lasing nga ako noon. At totoo na ang aso ko lamang ang kasama ko noong birthday ko. At nag-ahit din ako dahil sinabi ni Cara na nakititinik ang bigote ko kapag hinahalikan ko ang ari niya. Kagabi lang ‘yun. Pepe rito, Pepe roon. Hindi naman Pepe ang pangalan ko. Ang pangalan ko Brian Moya. Pero mahigit dalawampung pahina na ang nakasulat sa notebook niya at lahat iyon tungkol saakin. Bakit niya ginagawa ito?

Puwede kong itanong sa kaniya ito pagbalik niya mula sa trabaho. Pero baka pag-awayan namin. Itatanong ko, “Bakit ka nagsusulat tungkol sa akin?” Sasabihin niya, “Bakit ka nakkialam sa gamit ko?” Tapos naisip ko baka maghiwalay kami dahil dito. Eh puwede ko namang malaman ang mga sagot ng hindi tinatanong sa kaniya. Imbestegador naman ako, diba? Sinundan ko siya. Nakarating kami sa dati kong opisina. Ang opisinang iniwan ko. Ang opisina kung saan humagulgol si Moses bago barilin ang asawa at ang sarili. Bakit nagpupunta rito si Cara? Kung anuman ang dahilan, hindi na importanteng pag-usapan. Sandali na lang ang nalalabing panahon ko sa mundo. Kung anumang misteryo ang bumabalot sa pagpunta ni Cara sa dati kong opisina, madidiskubre din. Kapag lumabas na ang katotohanan, pag alam na ng lahat ang nangyari, malamang patay na ko. Iba na lang ang pag-iisipan ko.

Ang gusto ko, si Cara ang huling imahe sa isip ko bago ito’y tuluyan nang makalimot at maglaho. Si Cara. Malambot at makinis ang kanyang katawan. Mabango ang balat. Amoy mansanas o pandan. Nananalig ako sa mga simbolo at imahe ng mga nananatiling hibla ng naghihingalong hininga. Nakakapit ako sa amoy ng balat ni Cara, sa tunog ng kainyang ungol, sa magandang mukha, sa magandang katawan, sa malalaking suso, sa leeg at hita, sa kaniyang laway, sa kaniyang dila. Nakakapit ako sa imahe ng langit dito sa lupa.

II. Ang Kabit

Ang bastos talaga ng bibig ni Mr. Garcia! Grabe! Sinabi ba naman niya, “Si Pepe Rodriguez ang kutsarita ng tamod na dapat nilunok na lang ng nanay niya.” Kahit gaano kasama ang isang tao, hindi niya dapat masabihan ng ganun. Kadiri! Hello?
Sinabi ni Mr. Garcia na si Pepe Rodriguez daw masamang tao. Sinabi ni Mr. Garcia madami na daw ginawang katarantaduhan si Pepe at ang unang assignment ko raw ay hanapin siya? Hello? Okey ka lang?

Bukod doon, madami pa akong problema. ‘Yung mga disconnection notice, ‘yung camera-phone na nakasangla at malapit na ma-remata, at kung ano ang kakainin ko.Hindi ko talaga dapat binili ‘yung high heels na red last week tsaka ‘yung magandang skirt, kahit mukha akong mapayat pag suot ko ‘yun. Pero, on the other hand, kung hindi ko isinuot ang masikip na dress na nabili ko, baka hindi ako ang junior investigadora na kinuha ni Mr. Garcia. Kasi hindi naman talaga ako qualified. Wala akong alam sa investigating. Malakas ang radar ko sa current tsismis, at expert ang social skills ko sa pag-harvest ng neighborhood intriga. Pero sa paghanap ng mga nagtatagong goons, hindi talaga ako fabulous. Ano ba itong pinasok ko? Well, I didn’t have a choice naman. Kasi ang dami nang bills tapos ‘yung ex-boyfriend kong, take note, politician, hindi na ako sinusustntuhan kasi nga nahuli na kami ng wife niya.

Paano ba ko naging imbestigadora? One morning, I was telling my neighbor Elsa na ang hirap talaga makahanap ng work kasi puro college-college ang gusto ng employers. Buti na lang may nakitang advertisement si Elsa sa newspaper:

Wanted: Junior Private Investigator
Male or Female. 21-35 years old.
Hard Working. Organized. Well-informed. Computer Literate.
No experience required. High School
Graduates welcome to apply.

Sabi ko, “Perfect!” I’m female, 24 years old, at walang experience with detective work. Pumunta kaagad ako sa address na nakalagay suot ang pinaka-attractive na damit. ‘Yung talagang nakaka-flatter sa curves ko. Halos tumulo ang laway ni Mr. Garcia nung nakita niya ako. Tanggap agad ang lola mo! Pero, seryoso, kalokohan ‘tong trabahong ‘to kasi mali talagang mag-spy on other people. Dati nanonood ako ng Cheaters, ‘yung show sa cable, sa ETC yata. Basta, ito ‘yung show na may mga guys or girls na papasundan sa isang private investigator ‘yung mga loved-ones nila to catch them cheating. Grabe! Todo to the max ang scandalous public away matapos mabisto ang mga manloloko! Sira talaga ang relationship. Hindi ko ma-imagine myself doing that to other people. Minsan naman hindi nila talaga love ‘yung mga ka-affair nila. Kahit nakikipag-sex sila sa iba, I’m sure, deep inside, mahal pa rin nila ‘yung partners nila. For example, ‘yung dati kong boyfriend na politician. Hindi naman kagandahan ang asawa niya, mataba na masungit pa. Pero hindi niya maiwan even for me. Pero ibang kuwento na yan eh. Ang totoong problema ay ang trabaho kong parang walang pinatutunguhan.

Tuesday nung nakuha ko ‘yung imbstegadora position, at Friday nung nakasakay ako sa MRT papunta sa office at wala pa rin akong alam tungkol kay Pepe Rodriguez. Sasabihin na naman ni Mr. Garcia, “O Cara, may nahanap ka na bang lead? Ano na nalalaman mo so far?” Tapos, as usual, smile lang ang sagot ko. Pero seryoso, hindi totoo si Pepe Rodriguez. Nag-google na ako ng name niya and hinanap ko na siya sa Friendster, Multiply, at Facebook tapos wala pa rin. Anong klaseng tao ang walang Friendster? Hello? May tao bang walang Friendster profile? Bukod dito, tinawagan ko rin ang dating friends ko from the bar kung saan ako nag-work bago ako binigyan ng apartment ng ex-boyfriend kong, take note, politician. Sinabi ko sa friends ko na humingi sila ng favor sa mga regulars nilang pulis at sabihin sa mga pulis na i-check kung meron bang baranggay or criminal record si Pepe Rodriguez. Sinabi nila wala naman daw. Walang criminal record. Anong klaseng criminal ang walang criminal record? ‘Yun ang pinag-iisipan ko sa MRT. ‘Yung mga contradicting inconsistencies. Dapat may magsabi sa Mr. Garcia na yan na hindi lahat ng magandang babae, walang isip.

Nagkaroon ako ng realization: Possible kaya na imbento lang ni Mr. Garcia si Pepe Rodriguez at, ang totoo, palamuti lang ako sa office niya? Alam ko naman na natanggap lang ako kasi maganda ako. Alam ko naman na hindi ako sineseryoso ng mga tao. May nagsabi nga sa aking customer sa club before, “Alam mo ang malas mo?” Tapos nung tinanong ko kung bakit. Ang sabi niya, “Masyado kang maganda. Maraming lalaking mambobola, manloloko, magbabayad, at magsisinungaling para matikman ka.” Hello? Gawin daw akong ulam! Gusto ko sabihin sa buong mundo: Don’t judge a book by it’s cover. Hindi dahil maganda ako, wala akong isip. Hello? Behind my beauty is my brains. ‘Yung mga nakakakita ng Friendster profile ko, kilala talaga ako. Alam nila na kasama sa hobbies and interests ko ang “reading novels.” Hello? Ilan ang kilala mong nagbabasa ng novels? People can’t see beyond my looks. Ever since na lang ang binabayaran sa akin ng employers ‘yung looks ko. Okey lang sana kung regular ‘yung suweldo. Pero hindi eh. Commission system. Ang sabi ni Mr. Garcia sa akin, “Bibigyan kita ng transpo allowance na P100 a day, at P1000 bawat item ng evidence or lead na makakatulong sa imbestigasyon natin.”

Nung hapon din na ‘yun, sa MRT, tinanong ko ang sarili ko, “Paano akong magkakaroon ng commission kung wala akong mahahanap na evidence or lead kasi wala naman talagang Pepe Rodriguez?” And then, nagkaroon ulit ako ng realization: Baka ito nga ang plano ni Mr. Garcia. Plano niya sigurong papuntahin ako sa opisina niya, titigan, pagpantasyahan, at hawak-hawakan tapos bayaran ng P100? Hello? Mas mura pa sa isang ladies drink ‘yun!

Pero, I have my pride. Hindi na ako babalik sa pagiging Guest Relations Officer. I have other talents besides my beautiful body parts. Lahat ng ito naisip ko sa MRT. At kahit na masikip at kadiri, kasi may mga lalaking lumalapit at humihinga ng malalim, inaamoy ako, at ikinikiskis ang mga harap nila sa likod ko, nakapag-isip pa rin ako ng mga realizations. That only goes to show that I can work under pressure. At hindi ako papayag na paglaruan at pagtripan ng bastos na Mr. Garcia na yan. Hello? Asa pa siya. Hindi ako makikipag-sex sa kaniya, kung ‘yun ang motive niya sa pag-hire sa akin. Not for anything less than P10,000! And if ever nangyari ‘yun, na nag-offer siya ng P10,000 at pumayag nga ako, hihiga lang ako sa kama na parang nalantang halaman para hindi siya mag-enjoy!

Ganun nga ang sitwasyon: Wala akong money, tapos masikip sa MRT, tapos mainit, tapos nahihilo na ko, tapos nahihirapan ako mag-balance kasi nakatayo ako and I’m in high heels, tapos my mga dumidikit at umaamoy pa sa akin, tapos ‘yung boss ko pa manloloko yata. Sobrang stressed na ko. And then, may lalaking tumayo at sinabing, “Miss, ikaw na dito sa puwesto ko.” Pero hindi niya ako tinitigan, at hindi rin niya sinubukang makipagkilala. Hindi niya rin ako inamoy o hinawakan pag daan ko. Tumayo lang siya sa harap ko. Nakayuko lang siya, tapos ‘yung buhok niya nakatakip sa mga mata niya. Ang makikita lang, ‘yung bigote niya. Matagal na siguro siyang hindi nag-ahit. Tapos nung hinawi niya ‘yung buhok niya, nakita ko may scar siya sa kilay. Mukha siyang matapang. Kung totoo si Pepe Rodriguez, naisip ko, ganito siguro ang itsura niya.

Pagdating ng Quezon Ave. station ng MRT, bumaba na ako kasi papunta nga ako sa old friends ko sa bar kung saan dati akong nagta-trabaho. Gumewang-gewang din siya palabas. Mukhang nakainom. Pagbaba sa MRT, naglakad ako papunta sa pila ng jeep. Pumila rin siya. Habang nasa jeep, pumikit siya at nagpahinga. Nagulat ako nang pumara siya kung saan ako bababa. Pareho yata kami ng pupuntahan. Pumasok din siya sa Tikyo’s at umupo sa isang madilim na sulok. Doon, tinanong ko ulit ang mga dati kong amiga, si Katja tsaka si Anna, kung meron bang balita tungkol kay Pepe Rodriguez. Wala pa rin daw. Umupo na lang ako kasama nila at nakipag-kwentuhan habang umiinom. ‘Yung lalaking nakita ko sa MRT, umiinom din. Pero, tuwing lalapit ang floor manager para mag-alok ng babae, tinatanggihan niya. Buong gabi, umiinom lang siya mag-isa. Nasa sulok lang siya, nakatalikod sa stage kung saan nagsasayaw ang mga entertainers. Na-intriga talaga sa lalaking ‘yun, kaya nang medyo nahihilo na ako, napalapit ako sa kanya. Parang déjà vu. Ganito kasi ang trabaho ko dati. Medyo sanay pa ako. Sabi ko, “Hi.” Mahinhin. Friendly. Ganon talaga sa umpisa, lalo na kung mahiyain ang customer. Pero bago pa ako makapagpakilala, nagsalita siya kaagad –

“Miss, alam ko kung saan ‘to pupunta. Sa tulong ng mahiwagang alak, lokohin natin ang mga sarili natin na may maaaring mamagitan sa atin. Pero, maniwala ka sa sasabihin ko. Magkarelasyon man tayo, at sabihin man natin sa isa’t-isa na habang buhay tayo magmamahalan, darating ang araw na pagtataksilan kita at pagtataksilan mo rin ako. At kundi man tayo magtaksil sa isa’t-isa, sigurado pagbibintangan kita ng pagtataksil, at pagbibintangan mo rin ako ng pagtataksil. Lalala ito ng lalala, hanggang sa umabot sa puntong kung sino-sinong mga tarantado na ang inuutusan natin para pagmanmanan ang isa’t-isa, tapos may madidiskubre tayo tungkol sa isa’t-isa na sana’y hindi na lang natin nadiskubre tungkol sa isa’t isa, tapos iisipin natin na sana hindi na lang nangyari ang gabi ng pagkikita, na naging pagkakataon para uminom at malasing ng magkasama, na naging dahilan para gawin, makakahiligan, makakaadikan, at makakasanayan, ang pagkakantutan, hanggang mapunta na nga ang nakahiligan, nakaadikan, at nakasanayan sa isang relasyong isang araw ay pagmumulan ng poot, galit, at mga masasamang ala-ala na dadalhin at pagsisisihan magpakailanman.”
Noong sinabi niya ‘yun, nagkaroon ulit ako ng realization: Ito na yata ang pinaka-honest na lalaki sa buong mundo. Alam ko, nang sandaling iyon, kaya kong mahalin ang lalaking iyon. Ganito kasi talaga nahahanap ang true love. Minsan talaga, pag suwerte, biglang lilitaw ang lalaki para sayo sa mga oras at lugar na hindi mo inaasahan. May matinding emosyon na bumalot sa akin at naramdaman ko na kailangan ko sabihin sa kaniya ang tungkol sa destiny. Pero hindi ko pa nasasabi sa kaniya ang kailangan masabi, nakatulog na siya sa kalasingan.

Nang malapit na magsara ang bar, kinuha ko ang wallet niya at binayaran ang bill niya, pati na rin ang bill ko. Kasi diba pag first date ang lalaki naman talaga ang nagbabayad? Nakita ko ang SSS I.D. niya. Nakalagay rito: Brian Moya / 33-9622530-0 / January 14, 1978

Tama ako. Destined talaga kami para sa isa’t-isa. Capricorn siya. Taurus naman ako. Pag tiningnan sa online compatibility meter ang compatibility rating namin, 10/10! Perfect score. Birthday niya pala ngayon. Kawawa naman siya. Walang nakakakilala sa kaniya, kaya’t dinala ko na lang siya sa apartment ko. Ngayong gabi, ang prinsesa ang magliligtas sa prinsipe. Hindi naman ako malandi o pakawalang babae. Naawa lang talaga ako sa kaniya kasi birthday niya, tapos mag-isa lang siya, tapos lasing pa siya. Nagpatulong ako sa driver ng taxi dalhin siya sa sofa. Buti na lang mabait si manong. Binigyan ko na lang siya ng tip.

Naglabas ako ng maliit na palanggana ng maligamgam na tubig at isang bimpo. Nilagyan ko ng konting rubbing alcohol ang tubig. Ibinabad ko ang bimpo, piniga, at ipinahid sa mukha ni Brian. Hinubad ko ang suot niyang polo, sapatos, medyas, at pantalon… Pero walang malisya ‘yun. May friend ako dati sa club na nag-aaral ng nursing. Ang sabi niya, puwede raw mamatay kapag nagsuka ang isang tao habang natutulog. Kasi ‘yung suka pupunta sa baga at puwedeng ikalunod. Sinabi niya rin sa akin na para bumaba ang pagkalasing, puwede kong punasan ng basang bimpo ang mga maiinit na parte ng katawan – ang mukha, leeg, kili-kili, at ‘yung… ahem… malapit sa groin area. Kaya ‘yun nga ang ginawa ko. Nakaluhod ako sa tabi ng sofa pinupunasan ang maiinit na bahagi ng katawan ni Brian.

Nagustuhan niya yata nung pinunasan ko ng basang bimpo ang groin area niya. Palalim nang palalim ang paghinga niya. Medyo kinilig ako nang konti. At nung dahan-dahan niyang minulat ang mga mata niya at tumingin sa akin habang pinupunasan ko ng basang bimpo ang tumitigas niyang… ahem… pagkalalaki, sumuko na ako sa pagnanasa.
Hindi ako puta, ha? Marami rin akong nainom nung gabing ‘yun, tapos may lalaking humihinga ng malalim at nakatitig sa akin habang ang kamay ko ay nasa tumitigas niyang pagkalalaki. Hello? Siyempre, kahit papaano, maaapektuhan ako. Pero, in fairness, hindi ako ang nagsimula. Umupo siya. Kinuha niya ang bimpo mula sa kamay ko, inilubog muli sa maligamgam na tubig, hinawakan ako sa buhok, at ipinahid ang bimpo sa mukha, leeg, at sa boobs ko. Medyo kadiri nang konti kasi galing na sa groin area niya ‘yung bimpo, pero may alcohol naman ‘yung tubig kaya siguro patay na ‘yung germs bago niya ipahid ‘yung bimpo sa mukha ko.

Grabe talaga. Tumayo siya at inilapit ang mukha ko sa matigas niyang… ahem… pagkalalaki. Naramdaman ko ang gigil niya sa paghatak niya sa buhok ko. Ibinuka ko ang bibig at ipinasok niya ang kanyang ari. Hawak pa rin ang aking buhok, paulit-ulit niyang inilabas at ipinasok ito hanggang sa siya’y labasan. At nang labasan, hinigpitan niya lalo ang pagkakasabunot sa buhok ko, tumingin siya sa mga mata ko, at sinabing, “Lunukin mo.”

Siyempre, naisip ko, Hello? Bakit ko gagawin ‘yun? Hindi ko maipaliwanag kung bakit niya ipinagawa sa akin ‘yun. Pero hindi ko rin maipaliwanag kung bakit nung sinabi niya ‘yun, dumaan sa isip ko saglit ang sinabi ni Mr. Garcia – “Si Pepe Rodriguez ang kutsarita ng tamod na dapat nilunok na lang ng nanay niya” – at sobrang natawa ako. Kung puwede lang humalakhak habang may ari sa bibig, siguro nagawa ko ito.
Ang dumi ng pakiramdam ko pagkatapos. Pakiramdam ko’y nagamit ako. Nadungisan. Nabastos. Nababoy. Pero may bahagi sa pagkatao kong nag-enjoy. Masama. Malaswa. Alam kong mali, at hindi ko dapat ikatuwa, pero ang sarap.

Siya nga si Pepe Rodriguez. Ang dakilang bastardong pusakal. Ang pinakahayop sa mga hayop. Ang pinakababoy sa mga baboy. Bayolente. Bastos. Salbahe. Inconsiderate. Hindi pa niya alam ang pangalan ko, ipinalulunok na niya ang semilya niya sa akin. Ito nga ang pangahas na si Pepe Rodriguez – magulo ang buhok, makapal ang bigote, at may tahi sa kilay.

Pagkagising ko wala na siya. Nag-iwan lang ng sulat at contact number sa lamesa, “Salamat – Brian (09062788435).” Hindi pa rin mawala sa isip ko si Brian. Nagpunta ako sa computer shop para i-google ang pangalan niya. Meron pala siyang Friendster account. Tuwang-tuwa ako sa sense of humor niya kasi ang nakalagay sa hobbies and interests niya, “Drinking. Uminom. Mag-jakol.” Astig talaga siya. Wala siyang pakialam sa magiging opinyon ng mga makakabasa sa profile niya. Kaonti lang din ang mga litrato. Merong ilang litrato ng aso. Ayon sa research ko, ang pangalan ng aso, “Prince.”

Pagdating sa office, sinabi ko kay Mr. Garcia na nahanap ko na si Pepe Rodriguez – “May tahi siya sa kilay, medyo magulo ang buhok, payat, may bigote. Nakita ko siya sa Tikyo’s KTV and bar. Nalasing siya doon at umuwi na may kasamang babaeng maganda na sa palagay ko karelasyon niya.”

Siyempre, ako ang sinasabi kong magandang babae. Pero, hindi ko sinabi kay Mr. Garcia ‘yun. Mukhang gulat na gulat si Mr. Garcia. After ilang minutes, sinabi niya, “Good work. Pero next time dapat may physical evidence o kaya mga litrato ni Pepe.” Binigay niya ang commission ko. Nakabawi din ako sa manloloko.

Kinabukasan, kumuha ako ng pekeng evidence. Nanghiram ako ng panty mula sa sampayan ng neighbor kong si Elsa. Kinolekta ko rin ang mga panty na naiwan ni Katja at Anna dati sa apartment ko nung mga panahong nakikitulog pa sila roon. Kumuha rin ako ng sarili kong panty. Sinabi ko kay Mr. Garcia na parte ito ng collection ni Pepe Rodriguez ng mga panty na ninakaw niya mula sa mga babaeng inabuso niya. Kinuha ito ni Mr. Garcia at inilublob sa isang solution, tapos ay pinailawan ng violet na ilaw. Sobrang scientific ng ginawa niya, akala ko mabubuking ako. Pero sabi niya, “Good work!” tapos binigyan niya ulit ako ng commission. Sobrang effective ng naisip kong paraan kumita. Ang kailangan ko na lang, picture. Tinubos ko mula sa sanlaan ang phone ko na may camera at finally, natawagan ko na rin si Brian at naimbita lumabas.
Matapos ang tatlong araw, nagkita ulit kami ni Brian. Niyakap ko kaagad siya. Mukha naman siyang masayang nakita ako. Kumuha ako ng madaming litrato. Ang sabi ko sa kaniya, pang-Friendster. After 30 minutes, sinabi ni Brian na sa apartment ko na lang daw kami mag-date. Bumili na lang daw kami ng alak para mas matipid.

Nung gabing ‘yun, nag-sex ulit kami. Pumatong sa akin si Brian at mabilis akong… ahem… pinaligaya. Marahas. Pakiramdam ko’y ginagahasa ako ng isang lalaking sabog sa shabu. Mahapdi. Nasaktan din ako nang sipsipin niya ang balat sa leeg ko. Para akong sinakmal ng hayop. Sigurado, pasa ito kinabukasan. Pero nakaramdam ako ng matinding takot at pagnanasa. Lalo na ng itali ako ni Brian sa kama gamit ang sinturon niya at kainin ang aking… ahem… pagkababae. At naramdaman ko na mahal niya rin ako, kasi nang napansin niyang naluluha na ako sa hapdi ng pagkakatinik ko sa bigote niya, tumayo pa talaga siya at nag-ahit bago ituloy ang… ahem… pag-kain.

Kinabukasan, habang nag-aalmusal. Nagsulat akong muli ng mga notes sa pink na notebook tungkol sa maaari kong i-report kay Mr. Garcia. Madami ng laman ‘yun. ‘Yung mga na-research ko sa internet tungkol kay Brian, nandoon din lahat. Pagdating sa office, ipinakita ko kay Mr. Garcia ang picture ni Brian mula sa camera-phone ko at sinabing iyon si Pepe Rodriguez. Ginatungan ko pa ng mga kuwento kung paano niya abusuhin ang mga babaeng dinadala niya sa apartment niya. Sinabi ko, “Pinipilit niyang ipalunok ang… semen niya. Kapag hindi sumunod ang babae itinatali niya ito at pinarurusahan.” Hindi ko alam kung bakit, pero nanginig ang boses ko habang sinasabi ito kay Mr. Garcia.

Namutla ang mga labi ni Mr. Garcia. Tumahimik siya ng matagal. Tapos, bigla siyang nagtanong, “Paano mo naman nalaman lahat ng ito?” Patay. Ano ngayon ang sasabihin ko? Nataranta talaga ako. Matagal akong natulala. Napalingon ako sa hiya. Aamin na sana ako sa panlilinlang na ginawa ko nang biglang itanong ni Mr. Garcia, “Sinaktan ka rin ba niya?” Nakita niya siguro ang pasang iniwan ng halik ni Brian sa leeg ko. Siyempre, todo acting ang lola mo. Umiyak ako kunyari. Nakapagtataka nga eh, kasi, hindi naman mababaw ang luha ko, pero napaiyak talaga ako. Iyak ako ng iyak. Alam kong hindi naman ako inabuso ni Brian, pero ayaw tumigil ng mga luha ko. Napaiyak din si Mr. Garcia. Sinabi niya, “Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari… Ipapupulis natin yang Pepe na yan. Ibigay mo sa akin ang mga litrato. Ipapahanap ko sa mga pulis iyang hayop na yan!”

Medyo sumobra yata ang acting. Natauhan ako. “Huwag po. Ako na po ang bahala,” sabi ko. Nagpumilit pa rin siya. “Kailangan maparusahan ang gumawa ng karahasan sa iyo, Cara.” Nataranta na talaga ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya’t tumakbo na lang ako.

Hindi ko alam kung paano aayusin ang gulong nagawa ko kaya’t nagpunta muna ako sa Ever Gotesco at naglakad-lakad sa mall habang iniisip ang solusyon. Paano ko aaminin kay Brian o kay Mr. Garcia ang kuwentong ito?

Napagdesis’yunan kong sabihin kay Brian ang nangyari. Pero pagdating ko sa apartment, ang daming tao. Hinarang kaagad ako ng mga pulis. Wag daw akong lumapit sa crime scene. Nabaril daw si Brian. Ang daming dugo sa kalsada. Nanginginig pa ako nang tumawag ako kay Mr. Garcia. Sabi ko, “Jacob! Nabaril si Brian! ‘Yung boyfriend ko, si Brian Moya, binaril! Hindi ko alam ang gagawin ko. Tulungan mo ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ang sabi ni Mr. Garcia, “Siguro si Pepe Rodriguez ang gumawa niyan! Ang pangahas na si Pepe Rodriguez!”

III. Ang Mga Detalye ng Krimen

Ikalawa ng Enero nang tignan ni Jacob Garcia ang puwesto kung saan siya balak magtayo ng opisina. Sabi ng may-ari, ang dati raw nangungupahan sa puwesto ay isang Mr. Moya, pribadong imbestegador na bigla na lamang tumigil sa pagpunta sa opisina. Kailangan pang linisin ang opisina. Maraming kalat ng kung anu-anong papeles. Si Jacob ay isang tagasuri ng tubig. Naatasan siyang suriin ang kalinisan ng tubig na ibinebenta sa mga water station sa lunsod ng Quezon. Pinadadalhan siya ng mga sample ng tubig sa opisina, at trabaho niyang suriin kung ligtas itong inumin.

Ika-apat ng Enero nang malinis ang opisina. Wala pa masyadong ginagawa sa trabaho kaya’t umupo muna siya sa harap ng computer at nag-download ng porno. Nagambala ang ginagawa niya nang may kumatok sa pinto ng opisina. Tiningnan niya ang kalendaryo at nalamang wala namang dapat dumating sa opisina nang araw na iyon. Binuksan niya ang pinto at may nakitang babae. “Good afternoon, Sir. I’m an applicant for the junior private investegator position advertised in the paper,” sabi ng babae.

Nagtaka si Jacob kasi hindi naman siya nag-advertise tungkol sa job opening na sinasabi ng babae. Baka advertisement ‘yun ni Mr. Moya, sinabi niya sa sarili. Pero dahil sa sobrang inip, naisipan niyang wala namang mawawala kung mag-interview siya ng magandang babae. Hindi naman talaga kagandahan ang dalaga - bilog ang mukha, payat, at makapal ang kilay. Pinapasok niya ang babae at inimbitahang umupo sa silya sa harap ng lamesa niya. “So, what makes you qualified for the job?” tanong ni Jacob. “I have experience in investigation because of my background in investigative journalism. I believe that I’m a good candidate for the position,” sabi ng babae. Naaliw si Jacob sa ginagawa niya. Ang sumunod niyang tanong, “How far would you go to get this job?” Habang sa isip, sinasabi, Handa ka bang tumihaya at bumukaka para sa trabaho?

Naramdaman ng babae ang hindi magandang tono sa boses ni Jacob. Tumayo ito at umalis. Ilang babae rin ang dumating at umalis matapos paglaruan ni Jacob Garcia sa mga interview niya. Nakagiliwan ni Jacob ang bagong pampalipas-oras. Naghanda pa nga si Jacob ng mga tanong para sa mga aplikante. Pero hindi siya handa para kay Cara.
Enero diyes nang dumating si Cara sa opisina ni Jacob. Hawak ni Jacob ang ari niya ng oras na iyon habang tumitingin sa internet ng mga malalaswang litrato. Hindi kumatok si Cara. Buti na lamang at nakatago sa ilalim ng lamesa ang ginagawa ni Jacob. Binuksan ni Cara ang pintuan at kumembot-kembot papunta sa lamesa ni Jacob. Pagpasok ni Cara, nag-amoy papaya soap ang buong opisina. Bago pa man maitanong ni Jacob kung ano ang kailangan ni Cara, napakalapit na ng dalaga. Sa lapit ni Cara, nang sabihin niyang, “Sir, gusto kong maging junior imbestegadora,” ramdam ni Jacob ang hininga ni Cara sa labi niya. Napanganga si Jacob at napahinga ng malalim na parang gahaman sa hangin matikman lang ang mainit na hininga ni Cara. Ang sikip ng suot ng dalaga. Nang sumulyap si Jacob sa ilalim ng blusa ni Cara, sa namumutok na dibdib ni Cara, napansin niyang nakasilip sa gilid ng bra ni Cara ang gilid ng utong ng dalaga. Tumama ito na parang lintik sa kamalayan ni Jacob at tuluyan na siyang nilabasan. Napadasal si Jacob ng pasasalamat, Salamat at ako’y nabiyayaan ng isang imaheng puwede kong pag-batian habang pinapatay ang inip sa buong maghapong pagtatrabaho.

“Sige, magsimula ka na bukas.” Hindi niya ito sinadyang sabihin. Nadala lamang si Jacob ng matinding emosyon. Anong magagawa niya? Sasabihin ang totoo? “Isang pagkakamali ito, miss. Pero handa akong suwelduhan ka, makita lang kita araw-araw. Kasi walang halaga ng pera ang makakatapat sa binubuhay mong pangarap – ang pangako ng kaligayahang nakasaad sa guhit na inukit ng pagkaka-ipit ng laman ng dalawa mong malaking suso – parang tulang inukit ng santo sa bato.” Ito ang katotohanang hindi dapat malaman ni Cara kung nais ituloy ni Jacob ang kaniyang pantasya.
Nang makita niya pa lang si Cara, alam na niyang ito ang tipo ng babae na dapat, minsan man lamang sa buhay niya, ay matikman. Kahit na manloko, manlinlang, at mang-uto. “Wow! Salamat po, sir! Ang bait niyo po pala. Ito nga po pala ‘yung bio-data ko. Cara nga po pala ang pangalan ko,” sabi ni Cara.

Para may maipagawa kay Cara, napag-desis’yunan ni Jacob na mag-imbento ng isang taong ipahahanap niya. Ito si Pepe Rodriguez. “Si Pepe Rodriguez, dati pa pinaghahahanap ng mga awtoridad. Abusado ‘tong tarantadong ito. Sobrang sama niya sa babae. Manyakis. Madami na siyang naging biktima. Siya ang kutsarita ng tamod na dapat nilunok na lang ng nanay niya.” Napagkasunduan ni Jacob at Cara na transpo allowance muna ang ibibigay kay Cara. Pagnakahanap na siya ng mga detalyeng makakatulong sa pagkakadakip ni Pepe, magkakaroon siya ng kumisyon. Alam ni Jacob na walang pag-asang makahanap ng Pepe Rodriguez si Cara. Mga ilang araw din siyang magpapabalik-balik sa opisina para sa maliit na halaga.

Ika-14 ng Enero nang sabihin ni Cara na nahanap na niya si Pepe. Inilarawan ni Cara si Pepe at inilahad din kung saan niya ito natagpuan. Nagulat si Jacob. Nang una’y hindi siya naniwala. Pero nang ipakita ni Cara ang notebook kung saan nakalahad ang maraming detalye ukol sa katauhan ni Pepe, nagduda siya sa sarili. Hindi kayang isipin ng magandang dalaga lahat ng ito. Wala siyang nagawa kundi ang ibigay ang ipinangakong kumisyon sa dalaga at bigyan ito ng mas mahirap na pagsubok. Sinabi ni Jacob kay Cara, “Sa susunod, kumuha ka ng physical evidence, o kaya kumuha ka ng litrato.”

Sumunod na araw lang may dalang iba’t-ibang sukat ng panty si Cara. Kinailangang magpanggap ni Jacob na isa siyang totoong imbestegador. Naglagay siya ng rubber gloves. Kumuha siya ng sample ng tubig at nagkunwaring kemikal ito. Nilagyan ng tubig na kunwaring kemikal ang isang panty at itinapat sa ultra-violet lamp na gamit sa panunuri ng tubig. Napangiti si Cara sa ginagawa ni Jacob. “Ang galing mo naman, may high-tech tools ka pa,” sabi ni Cara. Nakaramdam si Jacob ng kaligayahan. Pakiramdam niya’y napalapit siya ng isang hakbang patungo sa inaasam-asam na pagtingin ng dalaga. Nag-isip pa siya ng ibang paraan para magpasikat kay Cara. Dahan-dahan niyang nakalilimutan na hindi siya imbestegador. Matapos ang panunuri ng mga panty, sinabi niya kay Cara (hindi pa rin siya tuluyang nakukumbinse na totoo nga si Pepe Rodriguez), “Kailangan ko ng litrato ni Pepe. Kumuha ka ng litrato ni Pepe. Good work!”

Ika-15 ng Enero nang nagdala ng baril sa opisina si Jacob para ipakita kay Cara. “Wow! Ang laki naman ng baril mo,” sabi ni Cara. Pakiramdam ni Jacob, ang iniisip ni Cara habang pinupuri nito ang kalakihan ng baril niya, Naku! Ang laki pala ng ari mo. Dahan-dahan lang ha? Pero, pakiramdam niya lang iyon.
Ika-16 ng Enero nang ipakita ni Cara ang mga litrato ni Pepe Rodriguez. Paano kaya nakalapit ng ganito kalapit si Cara kay Pepe? Tanong ni Jacob sa sarili. “Ano ang alam mong ginagawa ni Pepe sa mga babae?” tanong ni Jacob. Sumagot naman si Cara, “Pinipilit niyang ipalunok ang… semen niya. Kapag hindi sumunod ang babae itinatali niya ito at pinarurusahan.” Nanginig ang boses ni Cara na para bang may gumulat sa kaniya. Mas lalong nag-alala si Jacob. Pakiramdam niya na dahil sa mga inutos niya kay Cara, naging biktima ang dalaga ng karahasan ni Pepe Rodriguez. “Paano mo naman nalaman lahat ng ito?” tanong ni Jacob. Natulala lang si Cara na parang may karahasang pilit na binabaon sa limot. Lumingon ang dalaga palayo upang itinago ang paparating na mga luha mula sa mata. At sa paglingon niya, sumilip ang ebidensiya ng hirap at sakit na pinag-daanan. Ang iniwang marka ng halik ng demonyo. Simpula ng sariwang sugat. “Sinaktan ka rin ba niya?” tanong ni Jacob. Nagsimulang umiyak si Cara. Napaiyak din si Jacob. “Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari… Ipapupulis natin yang Pepe na yan. Ibigay mo sa akin ang mga litrato. Ipapahanap ko sa mga pulis iyang hayop na yan!” sabi ni Jacob. “Huwag po. Ako na po ang bahala,” sabi ni Cara.

“Kailangan maparusahan ang gumawa ng karahasan sa iyo, Cara,” sabi ni Jacob. Biglang tumakbo palabas si Cara. Trauma. Takot na takot siya sa nang-abuso sa kaniya. Kawawa naman. Sabi ni Jacob sa sarili. Nanatili siya sa opisina na puno ng pagsisisi. Matpos ang ilang minuto, may kumatok sa pintuan. Pagbukas niya ng pinto, halos maihi siya sa kaba. Putang ina, nangyayari ba ‘to? Tanong ni Jacob sa sarili. Si Pepe Rodriguez, ang tao sa litratong ipinakita sa kaniya ni Cara nasa opisina niya. “Dito ba nagtatrabaho si Cara?” tanong ni Pepe. Putang ina! Nalaman niya yatang nagsumbong si Cara at gusto niyang patayin! ang iniisip ni Jacob habang sinasabi ang, “Sino po sila?” “Ako si Brian,” sabi ni Pepe. Sinungaling. Kilala kita. Ikaw si Pepe! Putangina mo! ang iniisip ni Jacob habang sinasabi ang, “Walang Cara na nagtatrabaho rito.”

“Hindi ka nagsasabi ng totoo. Bakit ka nagsisinungaling? Bakit ako tinitiktikan ni Cara?” tanong ni Pepe. Nanigas si Jacob. Wala siyang magawa. Takot na takot siya. Hindi siya makasagot. Nakatatak sa isip niya ang baril na nasa drawer ng lamesa. “Malalaman ko rin kung bakit,” tuloy ni Pepe, “At mananagot ka sa akin. Kung ayaw mong sabihin, ako na lang ang magtatanong kay Cara.” Tumalikod si Pepe at umalis. Dali-daling kumaripas si Jacob sa paghahanap ng bio-data ni Cara. Alam na niya ang mangyayari. Pupuntahan ni Pepe si Cara sa bahay at papatayin. At lahat ng ito ay dahil sa kaniya.

Isang oras nang nasa harap ni Jacob ang baril na puwede niyang gamitin para ipag-tanggol si Cara, ang bio-data kung saan nakalahad ang address ni Cara, at ang telepono na maaari niyang gamitin para tumawag ng pulis. Hindi siya makapag-desisyon sa gagawin. Kapag tumawag siya ng pulis, mareresolba ang sitwasyon at pasasalamatan siya ni Cara, pero mas pasasalamatan ni Cara ang mga pulis na nagligtas sa kaniya at maaaring mapa-ibig siya ng isa sa mga rito. Ito ang nag-udyok kay Jacob na pumunta mag-isa sa bahay ni Cara.

Ipinarada niya ang kotse sa harap ng apartmeent at kumatok siya sa pinto. Laking gulat niya nang ang nagbukas ng pinto ay ang pangahas na si Pepe Rodriguez! Nataranta si Jacob. Hinugot ang baril at pinaputukan sa tiyan ang inaakalang si Pepe Rodriguez nga. Bumagsak ang lalaki. Binaril niya ulit ito. Sa tiyan ulit. Tumagos sa likod. Tumama sa gulugod. Lumpo ang lalaki. Buhay pa rin. Naghihingalo. Hirap na hirap. Kinuha niya ang wallet ng inaakalang si Pepe Rodriguez para palabasin sa mga awtoridad na pagnanakaw ang motibo. Habang papalayo siya sinabi ni Pepe, “Tapusin mo ang sinimulan mo. Pahihirapan mo lang ako pag hindi mo ito tinapos.” Itinutok niya ang baril sa ulo ng lalaki. Hindi niya kaya. Itinutok niya na lamang sa dibdib para barilin ang puso. Pumikit siya at ipinuok ang baril. Dumaplis lang sa puso. Buhay pa rin si Pepe. May mga babaeng nakarinig at nagsisigaw. Tumakbo si Jacob. Bago siya makaalis sumigaw si Pepe, “Tanga!”

Nagmaneho si Jacob palayo. Hanggang maubos ang kalsada o gasolina. Kung anuman ang mauna. Kailangan niyang lumayo. Tumunog ang telepono. Si Cara. Nabaril daw ang boyfriend niya na si Brian Moya. Tiningnan ni Jacob ang wallet na nakuha. Sa loob nito may SSS I.D. Ang nakasulat: Brian Moya / 33-9622530-0 / January 14, 1978. Kung ang katotohanan ay isang bulalakaw, kung saan man tatama iyon, doon maihahambing ang nararamdaman ni Jacob. Kapag ang tadhana pala ang nagbiro, hindi nakakatawa. Itinuloy na lang ni Jacob ang biro ng tadhana at sinabi kay Cara, “Siguro si Pepe Rodriguez ang gumawa niyan! Ang pangahas na si Pepe Rodriguez!”

0 comments: